Sabado, Mayo 12, 2012

HAPPY MOTHER'S DAY!

Please let me post, on this very special day, a poem I wrote once upon a Mother's Day.

APO, INA, LOLA: MUNTING ANEKDOTA

Sa isang tahanang malayo sa bayan,
Tatlong mag-iina ang naninirahan:
Apo, Ina, Lola -- kanilang kubabaw
Ang hirap at alwan sa mundong ibabaw.

Bagama't maagang sila'y naulila
Sa tingi't kalinga ng ama't asawa,
Ang tatlo'y may munting bukiring namana
Na napagkukunan ng sapat na kita.

Panaho'y nagdaa't ang lolang butihin,
Sa pagtanda'y naging ulyani't bugnutin;
Walang ano-ano'y magbabasag mandin
Ng mangkok o baso.  Ay naku, pasanin!

Sa gayon, ang ina'y nagsugo sa anak:
"Iha, umuwi ka't si Lola'y  ihanap
Ng pinggang di yari sa kristal o luwad,
'Yong plastik o latang hindi mababasag."

Nalungkot ang anak sa utos ng ina,
At pusang alaga'y biglang naalala.
"O, Inay, si Muning ay hindi po baga
Kung ating pakani'y sa mangkok na lata?"

Kung gayon po, Inay, bakit tila yata
Kay Lola ang turing mo na'y isang pusa?
Iilang taon na't siya'y mawawala,
Lubusin na sana ang ating kalinga!"

Subali't anuman ang gawing pamanhik
Ng anak, ang ina'y hindi rin naantig.
Lumisan ang bunso't naghanap na pilit
Ng mangkok na yari sa lata o plastik.

Nang ito'y magbalik, ang ina'y nagulat
At dalwang piraso ang uwi ng anak.
"Aba, bakit dalwa 'yang iyong akibat,
Isa lang, hindi ba, ang bilin ko't hangad?"

"Yon pong isa'y aking itatabi, Inay,
Laan ko sa iyo pagdating ng araw;
Tulad ng kay Lola'y akin ding papaltan
Ng plastik na plato ang iyong kainan..."


Happy Mother's Day to one and all!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento